MANILA, Philippines - Ikinagulat ng ilang senador ang natuklasan na umabot sa halos isang milyon o P860,000 ang nagastos noong Agosto 16, 2011 sa isang pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malakanyang.
Sa isinagawang deliberasyon ng P2 milyong panukalang budget ng LEDAC para sa taong 2012, sinabi ni Sen. Ralph Recto na lumalabas na nasa 860,000 ang ginugol sa pagpupulong ng mga mambabatas sa Malacañang noong Agosto. Tinanong tuloy ng ilang senador kung ano ang kinain sa nasabing pagpupulong upang umabot sa P860,000 ang gastos.
Pero sa pagkakatanda ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na dumalo sa meeting, soup lamang at isda ang naging ulam nila sa pananghalian.
Nagbiro pa si Sotto na mistulang tinalo pa ang pa-meryendang turon ni dating Speaker Jose de Venecia noong panahon nito na umabot din sa milyon.