MANILA, Philippines - Hinikayat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente ng lungsod na naghahanap na trabaho na makiisa sa gaganaping mega job fair sa mismong kaarawan ng alkalde sa darating na Biyernes (November 18) sa harapan ng city hall main.
Ayon kay Echiverri, ang gaganaping mega job fair ay handog ng alkalde sa mga residente ng lungsod sa kanyang kaarawan bilang pagpapatuloy nito ng mga magagandang programa na sinimulan nito mula pa nang maging punong lungsod noong 2004.
Pangungunahan ng Labor Industrial Relation Office-Public Employment Service Office (LIRO-PESO) ang gaganaping mega job fair na sisimulan alas-8 ng umaga at magtatapos bandang alas-4 ng hapon.
Para naman sa mga residente ng lungsod na naninirahan sa north Caloocan ay magkakaroon din ng mega job fair ang lokal na pamahalaan sa November 23, 2011 sa harapan ng city hall north na sisimulan at magtatapos din sa parehas na oras.
Sinabi pa ni Echiverri, ang pagkakaroon ng magkahiwalay na mega job fair ay upang hindi na mahirapan ang mga residente ng lungsod na bumiyahe ng malayo nang sa gayon ay hindi na rin gumastos ang mga ito ng malaki sa pamasahe.