MANILA, Philippines - Isang Pinay na nabuntis at tumakas sa amo dahil sa pang-aabusong seksual ang labis na nanlulumo matapos umanong pagkaitan ng tulong ng ilang opisyal ng pamahalaan nang dumulog siya sa half-way center na kanlungan ng mga nagigipit na OFWs sa Saudi Arabia.
Kinilala ng Migrante Middle East ang nasabing OFW na si Norlain Sambulawan, 32, tubong Maguindanao na nasa pangangalaga ng Samahan ng mga Migranteng Manggagawa sa Batha at Gadeem Sinaiya (SAMAKABA), isang kaalyadong grupo ng Migrante-ME sa Saudi.
Ayon kay John Leonard Monterona, iniulat ni Joseph Villanueva, acting head ng SAMAKABA na humingi ng tulong sa kanila si Sambulawan matapos siyang tumakas sa amo at ngayo’y pansamantalang nanunuluyan sa isang kaibigan para sa kanyang seguridad dahil apat na buwang buntis.
Agad umanong humingi ng tulong si Sambulawan noong Oktubre 12 sa Bahay Kalinga na pinatatakbo ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) sa Riyadh subalit tinanggihan umano siyang pansamantalang dito manuluyan.
Sinabi umano ng isang OWWA welfare officer na hindi tatanggapin sa Bahay Kalinga ang nasabing OFW dahil isa siyang buntis at runaway. Mayroon umanong pinaiiral na bagong polisiya ang POLO-OWWA na tanging ang mga distressed OFWs na may mga nakasampang kaso ang tinatanggap sa Bahay Kalinga.
Ayon kay Monterona, kinompornta nila ang naturang OWWA welfare officer na nag-reject kay Sambulawan pero iginiit lamang na ito umano ang sinusunod na OWWA internal policy.
Kinausap din ni Monterona si Riyadh-based welfare officer Cesar Chavez upang iapela ang pagtanggi kay Norlain subalit iginiit din na hindi maa-admit ito dahil sa “No TNT, no runaway policy”.
Maaari lamang umanong matanggap sa Bahay Kalinga si Norlain kung papayagan ng Ambassador na nakabase sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
Bunsod nito, binatikos ng Migrante-ME ang nasabing pagpapatupad ng polisiya na lalo umanong magpapahirap sa mga OFWs na biktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato ng mga amo na tanging ang alam na tatakbuhan ay ang Embahada at POLO-OWWA.