Ramona wala na sa Turkey?
MANILA, Philippines - Wala na umano sa Turkey si Ramona Revilla, isa sa mga suspect sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Ramgen, base sa natanggap na report mula sa International Police Organization (Interpol).
Sa sulat sa National Bureau of Investigation (NBI)-Foreign Liaison Division, sinabi ng Philippine Center for Transnational Crime (PCTC) na agad ding umalis ng Turkey si Ramona ilang oras matapos na makapasok ng nasabing bansa.
Ayon kay NBI-Foreign Liaison Division chief Claro De Castro Jr., wala na sa bansang Turkey si Ramona subalit ginagawa pa rin nila ang kanilang trabaho upang madakip ito.
Aminado din si de Castro na wala silang impormasyon sa ngayon sa posibleng kinaroroonan ni Ramona.
“Ok lang naman. Besides nasa blue notice na siya ng Interpol so I am confident na malo-locate kaagad natin siya. Marami tayong counterparts na pwedeng pagtanungan,” ani de Castro.
Nabatid na ipinapa-check na ni de Castro sa 188 Interpol-member countries ang travel record ni Ramona upang ma-locate kung saan siya pumasok na bansa.
Matatandaang Nobyembre 4 nang umalis ng Pilipinas si Ramona sakay ng Cathay Pacific Flight No. CX902 patungong Hongkong at mula dito ay sumakay ito ng Turkish Airline Flight No. 071 patungong Istanbul, Turkey.
Binigyan-diin ni de Castro na hinihintay pa rin nila ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Ramona bago maisailalim ito sa Red Notice ng Interpol.
- Latest
- Trending