^

Bansa

GMA, Mike hinarang sa NAIA

- Nina Butch Quejada, Rudy Andal, Doris Franche at Gemma Garcia -

MANILA, Philippines - Nabigong makaalis ng bansa kagabi ang mag-asawang dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Mike Arroyo matapos silang harangin ng immigration habang pasakay sa Dragon Air KA 931 flight patungong Hong Kong dakong 8:50 kagabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Nabatid na dumating sa NAIA 1 ang mag-asawa bandang 8:10 kagabi at bagaman nakalusot sila sa departure counter ng immigration, subalit pagdating sa boarding gate ng eroplano ay dito na sila hinarang ng immigation officials.

Una rito, nanindigan ang gobyernong Aquino na kahit naglabas na ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema kahapon na nagpapahintulot na makapagpagamot sa ibang bansa si Mrs. Arroyo, ay kanila itong pipigilan.

Naka-wheelchair si Mrs. Arroyo nang ibaba mula sa isang ambulansiya at saka idiniretso sa presidential lounge ng airport bago ito sana sasakay sa eroplano na biyaheng HK, taliwas sa naunang ulat na tutungo ito sa Singapore.

Ayon kay de Lima sa media briefing sa Malacañang na wala pa silang natatanggap na pormal na kopya ng TRO na ipinalabas ng SC kaya umiiral pa rin ang Watchlist order ng DOJ.

Dahil dito, inatasan ni de Lima ang Bureau of Immigration (BI) gayundin ang iba pang law enforcement agency na harangin ang mag-asawang Arroyo sa sandaling makita sa anumang paliparan o ports palabas ng bansa.

Ginawa ni de Lima ang kautusang ito sa BI, NBI, PNP at humingi rin siya ng tulong kay DOTC Sec. Mar Roxas na atasan ang mga airport personnel na harangin ang mga Arroyo sa airport at huwag pasakayin ng eroplano matapos makumpirma nilang nagpa-book ang mag-asawang Arroyo sa PAL at ibang airlines kagabi para makalabas ng bansa.

Nilinaw naman ng DOJ chief na hindi naman aarestuhin ang mag-asawa kapag nakita sa airport dahil wala naman silang arrest warrant pero pagbabawalan silang makalabas ng bansa dahil umiiral pa rin ang watchlist order laban sa mga ito kahit may TRO.

“Based on reports from NAIA the Arroyos had in fact made bookings today beginning 4pm PR 501 and 5pm flight SQ 919 bookings cancelled they did not appear followed by three other bookings for today 735 for PR 505 7:55 via SQ 901 and last booking is 9 o’clock this is being checked via dragon air,” dagdag pa ni de Lima.

Aniya, kung walang intensiyon na tumakas ang mag-asawang Arroyo mula sa mga ginagawang imbestigasyon ng DOJ-Comelec sa electoral sabotage ay bakit kumuha agad ng booking ang mag-asawa sa mga airlines pero hindi naman sila nagpakita kaya nakansela ang kanilang bookings.

Idinagdag pa ni de Lima, lalong lumakas ang hinala na tatakas ang mag-asawa dahil matapos ianunsyo ng SC ang TRO ay agad nilang nagawa na magpa-book sa mga airlines upang makalabas agad ng bansa.

“Hangga’t hindi kami nakakakuha ng opisyal na kopya ng TRO ay iiral pa rin ang watchlist at kapag nakakuha naman kami ng kopya ng TRO ay agad kaming maghahain ng mosyon para ma-lift ang TRO at habang dinidinig ito ng SC ay mananatili pa rin ang watchlist order laban sa mga Arroyo,” wika pa ni de Lima sa media briefing. 

Bunsod nito, maghahain ng petition para ma-cite for contempt si de Lima at mga immigraiton officials na humarang sa mag-asawang Arroyo.

Sa botong 8-5-2 ng Supreme Court en banc, walong mahistrado ang pumabor sa pagpapalabas ng TRO na pansamantalang pumipigil sa pinaiiral na watchlist order na nilabas ng DOJ noong October 28 laban sa dating pangulo at sa kanyang mister na si Mike.

Pinangunahan ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona ang pagpapahintulot na makapag-abroad ang dating chief executive.

Kasama ng Punong Mahistrado na pumabor na makapagpagamot sa ibang bansa si Mrs. Arroyo sina Associate Justices Dios­dado Peralta, Presbitero Velasco, Lucas Bersamin, Roberto Abad, Martin Villarama, Jose Perez at Arturo Brion.

Kabilang sa mga tutol sina Associate Justices Estela Perlas-Bernabe, Maria Lourdes Sereno, Antonio Carpio, Bienvenido Reyes at Jose Catral Mendoza.

Sina Bernabe, Sereno at Reyes ay pawang appointee ni Pangulong Aquino.

Hindi naman nakaboto sina Associate Justices Teresita Leonardo de Castro dahil naka-leave at Mariano del Castillo na nasa abroad.

Ibinasura ng mga mahistrado ang kahilingan ng pamahalaan na ibalam ang pagpapalabas ng TRO habang hindi pa nakapagsusumite ng paliwanag ang DOJ  sa petition ng kampo ng dating pangulo.

Ayon kay SC Spokesperson Midas Marquez. kailangan ng mag-asawang Arroyo na maglagak ng P2-million bond at mag-report sa Philippine consu­lates ng bansang kanilang bibisitahin.

Ang nasabing kondisyon ay para na rin mapawi ang pangamba ng publiko na makakatakas ang  mag-asawang Arroyo.

Una rito, sinabi ng abogado ni Arroyo na si Atty. Ferdinand Topacio na magtutungo na sa Singapore ang dating pangulo matapos na paboran ng Korte Suprema na makapagpagamot sa ibang bansa.

Isasama ng dating pangulo ang kanyang asawa, isang nurse at isang security aide.

ANTONIO CARPIO

ARROYO

ARTURO BRION

ASAWANG

BANSA

KORTE SUPREMA

MAG

MRS. ARROYO

TRO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with