MANILA, Philippines - Hindi kumbinsido ang ilang mambabatas sa Kamara sa pagkakapanalo ng kanilang kasamahan na si Sarangani Representative Manny Pacquiao laban sa Mexican boxer na si Juan Miguel Marquez.
Ayon kay Iloilo Rep. Neil Tupas Jr., bagamat nais nitong si Pacquiao ang maideklarang panalo, malinaw naman umano na mas malaki pa rin ang naitalang score ni Marquez at dapat ay unanimous o pabor sa Mehikanong boksingero ang desisyon kung patas na panuntunan sa boxing ang pag-uusapan at hindi ang money making ng mga promoters.
Ipinagtanggol naman nina San Juan Rep. JV Ejercito, Cagayan Rep. Jack Enrile at Aurora Rep. Sonny Angara, si Pacquiao kung saan nananawagan ang mga ito sa kritiko ng mambabatas na tigilan na ang pambabatikos dito.
Sinabi ng mga mambabatas na sa halip na kuwestiyunin marapat na irespeto ng lahat ang tagumpay ni Pacquiao at ipagmalaki na hawak pa rin nito ang WBO welterweight crown.
Samantala, kumbinsido naman ang Palasyo na si Pacquiao ang nanalo sa laban nito kay Marquez.
Wika pa ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, whether you win by an inch or a mile, you still won at si Pacquiao ang nanalo.