MANILA, Philippines - Nakaalerto na ang pulisya sa pagpatupad ng mahigpit na seguridad kaugnay ng 2-day visit ni US Secretary of State Hillary Clinton sa bansa.
“Ang buong pwersa ng National Capital Region Police Office ay magiging alerto ngayon (Martes) at sila po ay bibigyan ng direktiba para mag-conduct ng masinsinang beat and mobile patrol”, pahayag ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr.
Nabatid na pakay ng pagbisita ni Clinton ay ang pagtibayin ang ugnayan ng dalawang magkaalyadong bansa sa ilalim ng RP-US Mutual Defense Treaty na magdaraos ng ika-60 taong pagkakatatag.
Samantalang nakatakda ring makipagkita si Clinton sa mga opisyal ng pamahalaan sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas umpisa Miyerkules at Huwebes bago ito tumulak patungong Thailand para naman bisitahin ang mga nasalanta ng matinding pagbaha doon.
Ayon kay Cruz, nakalatag na ang lahat ng seguridad upang tiyakin na magiging mapayapa at maayos ang Hillary visit.
Inihayag naman ni Cruz na pangungunahan ng Presidential Security Group ang pagbibigay ng seguridad sa nasabing pagbisita ng US official.
Pangunahing babantayan ay ang mga grupong magsasagawa ng kilos protesta at nakatutok rin ang PNP sa mga banta sa seguridad bagaman walang grupo ng mga lokal na terorista ang namonitor na magsasagawa ng pananabotahe.