Taguig nanguna sa dami ng libreng panood sa Pacquiao-Marquez
MANILA, Philippines - Nanguna ang Taguig City sa pagbibigay ng libreng panonood sa naganap na ikatlong laban nina Rep. Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez nang ipalabas ito sa 16 iba’t ibang venue sa lungsod.
Dumagundong ang iba’t ibang free viewing venues kung saan anim sa District 1 at 10 naman sa District 2 ng lungsod.
Sa District 1 napanood ang naturang laban sa Cayetano sports complex, Tipas Elementary School, Taguig Elementary School, Taguig City University (TCU) Auditorium, Hagonoy Elementary School at R.P. Cruz Elementary School.
Napanood rin ito sa District 2 sa Signal Village Elementary School, Bagong Lipunan Condominum (BLC) court, Pinagsama Elementary School, Sitio Una covered court, North Daang Hari (NDH) Covered Court; Tanyag covered court, Bandar covered court; Macapagal High School; P2 Covered Court, Upper Bicutan at South Daang Hari (SDH) covered court.
Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na ipinamigay muna ang mga tiket sa bawat screening venue sa pamamagitan ng “first come first serve basis” sa bawat barangay upang hindi magkaroon ng kaguluhan sa pag-uunahan ng mga nais manood sa laban.
Binati naman ni Cayetano si Pacquiao sa panibagong panalo at sinabing umaasa siya na susundan ng mga kabataan sa Taguig ang yapak nito hindi lang sa boksing ngunit maging sa ibang uri ng palakasan.
- Latest
- Trending