May quorum sa opening ng sesyon - Speaker Belmonte
MANILA, Philippines - Siniguro ni House Speaker Feliciano Belmonte na may korum ang muling pagbubukas ng sesyon ngayong araw sa Kamara kahit na maraming kongresista ang nagtungo sa Las Vegas, Nevada upang personal na makapanood ng laban ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao kontra sa Mexican boxer na si Juan Manuel Marquez.
Ito ang tiniyak ni Belmonte matapos na manood ng laban ni Pacquiao kasama ang ilang kongresista at mga empleyado ng Kamara.
Nilinaw ng House Speaker na 27 mambabatas lamang ang nagpunta sa nasabing bansa habang nasa 286 ang kabuuang bilang ng mga kongresista kayat sigurado umano siya na mayroong korum ngayong araw Nobyembre 14.
Ibinalita rin ni Belmonte na dalawang linggo pa lamang ang nakararaan ay nasa Los Angeles, California, USA siya kung saan nagkasalo pa sila ni Pacquiao sa isang agahan subalit mas gusto umano niyang umuwi ng maaga at huwag ng hintayin pa ang aktuwal na laban dahil mayroong sesyon.
Inamin niya rin na nag-alok si Negros Occidental Rep. Alfredo “Albee” Benitez na gagawan na lamang ng paraan upang makarating siya ng Pilipinas ng November 14 sa mismong araw ng pagbabalik ng sesyon matapos ang halos isang buwang bakasyon subalit dahil may higher duty ito ay dapat na nasa Pilipinas na siya sa opening ng session.
Kabilang sa 26 na mambabatas na nananatiling nasa US hanggang sa laban ni Rep. Pacquiao ay sina Reps. Rodolfo Antonino (Nueva Ecija), Tomas Apacible (Batangas), Ma. Rachel Arenes (Pangasinan), Benjamin Asilo (Manila), Catalina Bagasina (ALE partylist), Alfredo Benitez (Negros Occidental), Marc Douglas Cagas (Davao del Sur), Aurora Cerilles (Zamboanga), Vincent Crisologo (Quezon City), Ben Evardone (Eastern Samar), Antonio Ferrer (Cavite), Florencio Garay (Surigao del Sur), Teodorico Haresco (Kasangga Partylist), Bernadette Herrera-Dy (Bagong Henerasyon Partylist), Seth Frederick Jalosjos (Zamboanga del Norte), Carol Jayne Lopez (YACAP Partylist), Oscar Malapitan (Caloocan), Karlo Alexei Nograles (Davao City),Rosenda Ann Ocampo (Manila), Hussein Pangandaman (Lanao del Sur), Jesus Sacdalan (North Cotabato), Danilo Suarez (Quezon), Sigfrido Tinga (Taguig), Sherwin Tugna (CIBAC Partylist) Czarina Umali (Nueva Ecija) at Peter Unabia (Misamis Oriental).
Samantala, bagama’t wala sa listahan ng travel authority para sa buwan ng Nobyembre si Manila Rep. Amado Bagatsing ay nakapag-text ito na nasa Pilipinas na siya.
- Latest
- Trending