HONOLULU, Hawaii -- Binalewala lamang ni Pangulong Benigno Aquino III na dumadalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting ang hirit ng mga Marcos loyalists dito kaugnay ng pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Nagsagawa ng rally ang grupong nagpakilalang Marcos for Peace Movement at hiniling kay Pangulong Aquino na kung hindi mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, dapat bigyan man lamang ito ng military honors.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakapagdesisyon na si Pangulong Aquino at walang ibibigay na anumang state burial kay Marcos.
Ayon kay Sec. Lacierda, naipaliwanag na rin ng pangulo ang basehan ng kanyang desisyon.
Hindi pa naman nakikita ni P-Noy ang sulat ng grupo pero tiyak umanong maninindigan ito sa kanyang naunang desisyon.
“The decision has been made by the President,” wika pa ni Lacierda, kasama ng Pangulo sa delegasyon sa APEC Summit.