Deployment ban sa 41 bansa ipinagpaliban ng 3 buwan

MANILA, Philippines - Inaprubahan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang 90-deferment period o pagpapaliban sa pagpapatupad ng deployment ban sa 41 bansa, alinsunod na rin sa kahilingan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, go­verning board chief ng POEA, nagpasa na ang POEA governing board ng resolusyon para i-grant ang 90-day deferment period.

Noong Nobyembre 2, inilabas ng POEA ang Board Resolutions 6 at 7 na nagsasaad ng mga bansang ‘OFW-friendly’ at listahan ng mga bansa kung saan magpapatupad ng deployment ban dahil sa kawalan ng mga batas na puprotekta sa kapakanan ng mga OFWs.

Magiging epektibo sana ang naturang ban sa Nobyembre 18 ngunit inaasahang sa susunod na taon na ito maipapatupad.

Una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, nais nilang i-delay ang ‘effectivity’ ng ban upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Philippine diplomats na makipag-usap sa mga apektadong bansa at maiwasan ang posibleng diplomatic backlash nito.

Show comments