MANILA, Philippines - Naniniwala ang ilang senador na sisipa ang turismo ng Pilipinas sa pagkakapasok ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) sa New 7 Wonders of Nature.
Ayon kay Senator Francis “Chiz” Escudero, tiyak na maraming turista ang magnanais na makita ang PPUR kahit hindi pa pinal ang resulta na ihahayag sa susunod na taon.
Sa website ng New7 wonders of nature, inihayag ang 7 kahanga-hangang wonders of nature ayon sa alphabetical order at hindi sa ranking.
Bukod sa PPUR, pasok din ang Amazon, Halong Bay, Iguazu Falls, Jeju Island, Komodo, at Table Mountain.
Ayon kay Escudero, nakakapagpalakas ng loob ang inisyal na resulta lalo pa’t malaki ang iaangat ng turismo sa bansa,
“That’s only provisional results. The final results will be announced early 2012. But I do hope that we get in. The initial results are definitely very encouraging,” pahayag ni Escudero.
Ayon naman kay Sen. Pia Cayetano, napatunayan na naman ng mga Filipino na kaya nitong iangat ang bansa basta may pagkakaisa.
Napatunayan umano ang texting power ng mga Filipino sa pagpasok ng PPUR.