MANILA, Philippines - Hindi ginastusan ng Kamara ang pagbiyahe ng mga kongresista na nagtungo sa Las Vegas, Nevada para makapanood ng laban ng pambansang kamao na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Ito ang nilinaw ni House Speaker Feliciano Belmonte matapos na mapaulat na may 26 na mambabatas ang nasa nasabing bansa para personal umanong ipakita ang suporta sa kapwa mambabatas.
Sinabi pa nito 25 lamang sa mga mambabatas ang humingi ng travel authority para sa ibat-ibang commitment sa US kaya’t hindi umano ito sigurado kung lahat sila ay manonood ng Pacquiao-Marquez fight.
Sabi pa ng Speaker, kahit official business at speaking engagement ang pakay ng mga kongresista sa paglabas ng bansa, ay hindi umano sila humingi ng allowance o anumang perks sa Kamara. Kinumpirma naman ni Belmonte na manonood siya ng laban ni Pacquiao pero sa gymnasium lang ng Kamara kasama ang mga empleyado dito.