41 PALEA members kinasuhan
MANILA, Philippines - Patung-patong na kasong kriminal ang isinampa ngayon ng Philippine Airlines (PAL) laban sa 41 kasapi ng PAL Employees Association (PALEA) hinggil sa umano’y pananakot at pagharang sa trak ng PAL noong Oktubre 29, 2011.
Sa reklamo ng PAL sa Pasay City Prosecutor’s office, dinetalye ni PAL security officer Zeny Agbay kung paano umano marahas na pinigilan ng mga tiniwalag na empleyado ng PAL ang papalabas na trak lulan ang pagkaing isasakay sa flight ng PAL.
Naglakip si Agbay ng mga litrato at video bilang patunay sa paggamit ng dahas sa pagharang ng trak, kabilang ang bantang saktan ang mga nakasakay sa trak at sunugin ang nasabing sasakyan.
Bilang protesta sa outsourcing ng PAL, nagtayo ng kampo at picket simula noong Setyembre 27, 2011 ang PALEA sa harap ng PAL Inflight Center, na kinalalagyan ng kitchen facilities at tanggapan ng cabin crew.
Simula noong Setyembre 27, tinatakot umano at kung minsan sinasaktan daw ng mga nagpoprotesta ang mga trak at lahat ng sakay nito sa pagpasok at paglabas ng Inflight Center. Dahil dito, nagtalaga ng escort ang PAL para protektahan ang mga manggagawa at kagamitan nito.
- Latest
- Trending