MANILA, Philippines - Magbibigay ng libreng sakay sa kanilang mga bus ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-36 anibersaryo ng ahensya simula nang maitatag ito noong taong 1975.
Magpapakalat ng ilang bus ng MMDA sa EDSA ang ahensya upang magsakay ng mga pasahero sa magkabilang dulo ng naturang highway.
Uumpisahan ang selebrasyon ng anibersaryo sa 5-kilometrong fun run ng nasa 500 tauhan ng MMDA sa pangunguna ni Chairman Francis Tolentino sa Bonifacio Global City dakong alas-5:30 ng madaling araw. Susundan ito ng seremonya sa MMDA grounds sa EDSA-Orense street sa Makati City na inaasahang dadaluhan ng mga alkalde at kinatawan ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Unang nilikha ang MMDA sa pamamagitan ng Presidential Decree 824 na inisyu ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Nobyembre 7, 1975 na unang tinawag na Metro Manila Commission. Binuo ang Metro Manila ng lungsod ng Maynila, Quezon City, dalawa pang lungsod, 12 munisipalidad buhat sa Rizal at isang bayan sa Bulacan.
Noong Enero 9, 1990, pinalitan ng pangalan ang MMC na Metro Manila Authority (MMA) sa pamamagitan ng Executive Order no. 392 ni dating Pangulong Corazon Aquino kung saan si Vice-President Jejomar Binay ang unang chairman nito.