1st Rizal Park Kiddie Fun Run
MANILA, Philippines - Walang uuwing luhaan at malungkot sa mga nakatakdang lumahok sa 1st Rizal Park Kiddie Fun Run na gagawin sa loob ng Luneta Park, sa November 19, 2011, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ‘Universal Children’s Day.’
Ito ang inihayag ng mga organizer ng naturang race event na pinangungunahan ng Manila Sports Council (MASCO), Blitz Communications Philippines at isang non-profit organization mula sa Maynila ang Youth Warriors Against Poverty and Hunger (YWAPH), sa pakikipagtulungan ng National Parks Development Committee (NPDC).
Ayon kay Paul Edward Almario, Chairman ng MASCO, bukod umano sa may halos kabuuang P20,000. cash prizes na matatanggap ng mga mananalo, iba’t ibang freebies rin ang maaaring maiuwi ng mga kalahok sa nabanggit na race event bukod pa ang gagawing mga pa-raffle.
Magugunitang una na ring inihayag ni Almario na bukod sa layuning mabigyan ng isang masaya at makabuluhang pagdiriwang ang mga kabataan kasama ng kanilang pamilya, hangad rin ng nasabing proyekto na makalikom ng pondo na siyang ipambibili naman ng mga school supplies na ipamimigay sa may 500 less fortunate children mula sa smokey mountain sa Maynila.
Iginiit naman ni NPDC Executive Director Juliet Villegas na bukod sa mga nabanggit na mapapanalunan at matatanggap ng mga tatakbo, sa pamamagitan naman ng pagpapakita ng kanilang race number, libre ring mapapasok ng mga ito (participants) ang ilan sa mga pangunahing amenities ng Rizal Park gaya ng Rizal Park Children’s Play Ground, Chinese Garden habang 50% discount naman sa Lights and Sounds Tableau kung saan makikita ang eksaktong lugar binaril ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Samantala, pinasalamatan naman ni YWAPH Founder Kenneth Montegrande ang mga sponsors na siyang tumulong upang maisagawa ang for-a-cause project na 1st Rizal Park Kiddie Fun Run.
- Latest
- Trending