Comelec binira ng Samar exec
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng kampo ni Western Samar governor Sharee Ann Tan ang proseso ng Commission on Elections (Comelec) sa pagsasagawa ng beripikasyon ng mga pirma kaugnay sa election recall laban sa kanya.
Sa liham ni Tan kay Atty. Maria Corazon Montallana, election supervisor ng Westerm Samar, kinuwestyon nito kung saan partikular na bahagi ng Comelec en banc resolution 7505 na nakasaad ang proseso kaugnay sa magkakasabay na beripikasyon ng pirma o thumbmarks sakaling dalawa o mahigit na local elective ang subject ng recall.
Iginiit ng gobernadora na hindi nasunod ang guidelines ng nasabing resolution dahil hindi umano kabisado ni Montallana ang nilalaman nito.
Aniya, dapat linawin kung ang nasabing resolution ay tumutukoy lamang sa isang position recall proceeding, anuman ang kapangyarihan ni Montallana na alisin o amyendahan ito o magdagdag kung ano ang sa tingin nito ay mahalaga.
Ang dapat umanong ginawa ni Montallana ay humingi sa Comelec en banc ng tulong kaugnay sa nasabing isyu o hinihintay muna na i-promulgate ito at maamyendahan ang rules kabilang na ang procedures.
Unang nagsampa ng recall petition sa Comelec ang anak ng napaslang na si dating Calbayog City Mayor Reynaldo Uy na si Aika Uy, upang mapababa sa kanyang puwesto si Tan at ilang mga opisyal nito.
- Latest
- Trending