MANILA, Philippines - Balak ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., tagapangulo ng Senate Committee on Public Services, na ipahinto ang paggamit ng liquefied petroleum gas (LPG) sa mga taxi kung mapapatunayang delikado ito sa kalusugan.
Ayon kay Revilla, dapat suriing mabuti ang ulat na nakakasama sa kalusugan kung hindi maayos ang pagkakabit ng LPG.
Bagaman at mas mura ang LPG kaysa sa gasolina, hindi naman umano dapat malagay sa peligro ang kalusugan ng mga drivers at ng pasahero.
Sinabi ni Revilla na dapat tiyakin ng mga operators at drivers ng mga taxi na maayos ang paggamit nila ng LPG at wala itong leak na maaaring maamoy ng mga pasahero.
Balak ni Revilla na magsulong ng isang panukalang batas na magre-regulate sa paggamit ng LPG sa mga taxi upang masiguradong ligtas ito sa kalusugan.
Habang papalapit naman ang Kapaskuhan kung saan inaasahang magiging “in demand” na naman ang mga taxi, muling iginiit ni Revilla ang pagpasa ng kaniyang panukalang batas na naglalayong patawan ng P5,000 multa ang mga taxi drivers na hindi magbibigay ng tamang sukli.
Sa Senate Bill 2491 na tatawaging “Exact Fare Act,” sinabi ni Revilla na panahon na upang magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga abusadong taxi drivers na hindi nagbibigay ng tamang sukli at sinasamantala ang Kapaskuhan.
Nais ni Revilla na pagmultahin ng P1,000 ang mga taxi drivers na hindi magbibigay ng tamang sukli sa unang paglabag, P2,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 sa third offense kung saan rin sususpendihin din ang driver ng hindi bababa sa isang taon pero hindi lalampas sa dalawang taon.