Palawan underground river nasa Top 10

MANILA, Philippines - Apat na araw na lang bago idaos ang yugto ng pinal na botohan sa pandaigdigang pagpili sa New 7 Wonders of Nature, napasama na sa top ten finalist ang Puerto Princesa Underground River (PPUR) World Heritage Site.

Ibinalita ni New 7 Wonders Head of Communication Eamonn Fitzgerald sa pamamagitan ng e-mail noong Nobyembre 6 ang pagkakasama ng PPUR sa 10 lugar na pinili ng mga pandaigdigang komunidad. 

Sa alphabetical order, top 10 Finalists sa ngayon ang: the Dead Sea, the Grand Canyon, the Great Barrier Reef, Halong Bay, Jeita Grotto, Jeju Island, Komodo Island, Puerto Prin­cesa Underground River, Sundarbans at Vesuvius.

“Sa una nating kampanya para sa man-made wonders of the world, maraming nagbago sa pinal na linggo at mga araw kaya tiyak na magbabago rin ang inihayag nating top 10. Milyun-milyong boto pa ang papasok. Maaa­ring pumasok sa chosen 7 ang hindi napasama sa top 10,” sabi ni Fitzgerald sa kanyang e-mail.

Sinabi naman ng pangulo at tagapagtatag ng New7Wonders na malakas sa ngayon ang mga Asian Finalists. “Alam kong magbabago pa ang aktuwal na nangungunang pito sa darating na mga araw. Naiintriga pa rin kami at nasasabik kung ano ang lalabas na New7Wonders of Nature sa 11/11/11.”

Nanawagan kamakalawa ng gabi si assistant city government administrator at City Tourism Department (CTD) head Rebecca Labit sa mga Pilipino sa Pilipinas at sa ibang bansa na iboto ang Puerto Princesa Underground river para mapabilang sa New 7 Wonders of Natures dahil may kumpiyansa sila na mapapasama sa 10 mananalo ang ilog.

Show comments