MANILA, Philippines - Naniniwala si Palawan Bishop Pedro Arigo na pakana lamang ng United Nations (UN) ang seven billion baby na isinilang sa Pilipinas para himukin ang mga Filipino na suportahan at isabatas ang Reproductive Health bill.
Ayon kay Arigo, ginagamit lamang umano ng UN Population Control Program ang isang sanggol na isinilang sa Fabella Hospital na sinasabing pang-pitong bilyong tao sa mundo upang hikayatin ang mga Filipino na maisabatas ang RH bill sa bansa.
Giit ng Obispo, hindi populasyon ang dahil ng pagkagutom ng maraming tao sa mundo kundi ang hindi pantay na pamamahagi ng yaman ng mundo at ang pagiging ganid sa kapangyarihan ng mga namumuno.
Sinabi pa ni Arigo na mind setting ang ginagawa ng UN upang ipakita na 7 bilyon na ang tao sa mundo at over populated na.
Malinaw anya ang turo ng Simbahang Katolika na dapat pahalagahan ang buhay at hindi dapat na supilin ang populasyon.