MANILA, Philippines - Maaaring mapabalik sa bansa si Ramona “Mara” Bautista, isa sa suspek sa pagpatay sa nakatatandang kapatid na si Ramgen “Ram” Bau tista (Revilla) sa pamamagitan ng “extradition treaty” o ang umiiral na bilateral o multilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at sa mga bansang hinihinalang pinagtataguan nito ngayon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), may umiiral na extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong na unang pinuntahan ni Ramona subalit wala pang extradition agreement ang pamahalaan sa Turkey na hinihinalang huling destinasyon nito.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na maaari ring kanselahin ng DFA ang hawak na pasaporte ni Ramona kapag nagpalabas na ng court order upang hindi ito makapaglipat-lipat ng bansang gusto nitong pagtaguan.
Tiniyak ni Hernandez na gagawin ng DFA ang tungkulin nito upang atasan ang Philippine Consulate sa HK at Embahada ng Pilipinas sa Turkey sa paghahanap kay Ramona sakaling may kautusan nang magmumula sa korte.
Gayunman, ipinaliwanag ni Hernandez na bagaman wala pang umiiral na extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Turkey, maaari pa ring mapabalik si Ramona sa pamamagitan ng diplomatic channel base sa ipapalabas na “arrest warrant” ng korte na siyang isisilbi ng International Police laban kay Ramona sa pakikipag-koordinasyon ng Department of Justice at National Bureau of Investigation sa DFA na siyang makikipag-ugna yan naman sa Turkish government.
Magugunita na lihim na pumuslit nitong Biyernes ng gabi si Ramona patungong HK at hinihinalang dumiretso sa kanyang mister sa Turkey.
Kahapon nagpahayag naman ang ina ni Ramona si Genelyn Magsaysay na nangangamba umano sa kanyang kaligtasan si Ramona kaya nagawa niyang umalis sa bansa at hindi para takasan ang kanyang kaso.
Samantala, muling hinamon ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ang dating aktres na si Genelyn na pabalikin sa bansa ang anak na si Ramona.
Ayaw na ring patulan ni Bong ang akusasyon ni Genelyn na ginagamit lamang nito ang kontrobersya sa pagkamatay ng half-brother na si Ramgen bilang publicity sa darating na eleksyon.
Dapat umanong harapin na lang ni Magsaysay ang katotohanan at manatili lamang sa Pilipinas si Ramona kung hindi ito guilty sa kabila ng pagkakasangkot sa kasong pagpatay sa sariling kapatid.
Una rito, naglabas ng bagong statement ang dating aktres kung saan muli nitong pinasaringan ang senador.
Ayon kay Genelyn, wala pang korte na humahawak sa kaso kaya wala pang nakababang warrant of arrest sa kanyang anak.
Binigyang diin ng ina ni Ramona na sana ay huwag gamitin sa pub licity ang pagkamatay ng anak na si Ramgen.