MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng pamunuan ng Commission on Election (Comelec) na makapagtatakda na sila ng petsa ng idaraos na special election sa 2nd district ng Zambales kapalit ng yumaong si dating Congressman Antonio Diaz.
Ayon kay Atty. James Jimenez, Comelec spokesman, tinatalakay na sa en-banc ang usapin at posibleng makapagpalabas na ng resulta sa susunod na linggo.
Sinabi ni Jimenez, sa oras na lumabas ang paborableng desisyon ay agad nilang isasagawa ang special election sa ikalawang distrito sa lugar para sa pagkakaroon ng kinatawan sa Kongreso ng mga residente ng ikalawang distrito ng Zambales.
Una ng hiniling ng mga residente na idaos na ang special election sa kanilang lugar dahil napabayaan na ang pagbibigay ng ‘basic services’ sa kanila mula ng mamatay si Cong. Diaz noong Agosto 3, 2011.
Maging ang mahigit sa 2,000 scholar ng yumaong mambabatas ay nahinto na sa kanilang pag-aaral dahil natigil ang pagbibigay sa kanila ng pang-matrikula at iba pang pinansiyal na pangangailangan.
Wala ring natanggap na tulong ang mga residente sa lugar na hinagupit ng magkakasunod na bagyong Pedring at Quiel kung saan isa ang Zambales sa mga lugar sa Central Luzon na sinalanta ng kalamidad.