GMA ikinumpara kay Ramona
MANILA, Philippines - Hindi umano dapat ikumpara ang isyu ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kaso ni Ramona Bautista na nakalabas ng bansa dahil wala namang hold departure order laban dito.
Ito ang nilinaw kahapon ni Secretary Edwin Lacierda kaugnay sa mga ispekulasyon na may double standard na umiiral sa paglabas sa bansa ng mga personalidad na may kinakaharap na kaso.
Ipinaliwanag ni Lacierda na bagaman at itinuturing na suspek si Ramona sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Ramgen Bautista, wala pa namang kasong nakasampa laban dito at hindi pa ito sakop ng hold departure order.
Wala anyang kapangyarihan ang Bureau of Immigration na pagbawalan na makalabas ng bansa si Bautista kung hindi naman ito nakalagay sa watchlist o hold departure order.
“Well the difference is that there’s a watch list—former President Arroyo is in the watch list order and Ramona, my understanding from my discussions with General Honrado, the immigration, tiningnan po, wala pong hold departure order, wala pong any watch list order si Ramona. And immigration, therefore, has no authority to prevent Ramona from leaving the country. Iyan po ang aking nakuhang explanation from General Honrado.” paliwanag ni Lacierda.
Ni-review na rin umano ng mga airport authorities ang CCTV ng paliparan upang matukoy kung may nag-escort kay Ramona bago ito nakasakay ng eroplano.
- Latest
- Trending