Mga bintana, pintuan gawing malinaw para iwas holdap
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Quezon City Police District ang mga negosyante na panatilihing malinaw ang kanilang pintuan at mga bintana na nakikita ng mga taong nasa labas upang maging babala ito sa mga masasamang loob ng gustong mangholdap sa kanila.
Aksyon ito ni Supt. Marcelino Pedrozo, commander ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, matapos ang panghoholdap sa Manjunioan Travel and Tour Agency kamakalawa.
Ayon kay Pedrozo, naging malaya ang panghoholdap ng mga suspect sa naturang ahensya dahil ang bintana nito ay tinted at napapalibutan pa ng mga tarpaulin at poster ang pintuan nito.
Ang ganitong sistema ani Pedrozo, ang nagpapabigat sa sitwasyon dahil hindi nakikita ng mga tao sa labas ang ginagawa ng mga suspect sa loob ng ahensya. Kung makikita anya ng mga nasa labas ang pangyayari ay madaling makakatawag pansin at maaring makatawag din agad ng saklolo sa mga awtoridad.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, alas-2:30 ng hapon nang holdapin ng apat na armadong lalaki ang nasabing ahensya na matatagpuan sa 223-J Goldstar St. corner Gen. Luis St., Novaliches Proper.
Natangay ang P30,000 halaga ng kanilang kinita gayundin ang mga cellphones ng tatlong empleyado.
Bukod sa tinted ang bintana, wala ring guwardiya at closed circuit television (CCTV) cameras ang ahensya kaya madali ang ginawang pagpasok ng mga suspect.
- Latest
- Trending