MANILA, Philippines - Upang matiyak na wala nang magiging aberya ay hindi na oobligahin ng joint Department of Justice at Commission on Elections (DoJ-Comelec) investigating committee si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na humarap sa mga pagdinig sa kasong electoral sabotage dahil sa dayaan noong 2007 elections.
Ayon kay Prosecutor General Claro Arellano, pinuno ng komite, sa halip sunduin ay magpapadala na lamang sila ng piskal sa Camp Bagong Diwa para mapanumpaan ni Ampatuan ang kaniyang isusumiteng counter affidavit para na rin sa kaniyang seguridad.
Magugunitang itinuro ng kaniyang dating provincial administrator na si Nuri Unas si Andal Sr. na umano’y may malaking papel sa nangyaring dayaan para sa 12-0 votes pabor sa Team Unity.
Nangangamba kasi ang opisyal na maging dahilan pa ng panibagong mga gusot kung maglabas-masok si Ampatuan sa piitan para sa proceedings ng DoJ-Comelec probe team.