PNoy bibiyahe sa Hawaii
MANILA, Philippines - Tiniyak ng gobyerno na magiging sulit ang biyahe ni Pangulong Aquino sa Hawaii para dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa darating na Nobyembre 12-13.
Sa briefing na ginawa sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Laura del Rosario, sasamantalahin ng Pangulo ang meeting para isulong ang interes ng Pilipinas upang makasabay sa pag-angat ng ekonomiya.
Ayon kay del Rosario, bukod sa APEC Leaders Summit, may anim ding bilateral meeting ang Pangulo tulad sa Punong Ministro ng Australia, Taiwanese president at kinatawan ng Canada.
May meeting din ang Pangulo sa chief executive officer ng Microsoft Corporation na interesadong palawakin ang investment sa Pilipinas.
Bago umuwi, haharapin din ni PNoy ang Filipino community sa Hawaii kung saan nakatira at nagtatrabaho ang nasa kalahating milyong Pinoy.
- Latest
- Trending