MANILA, Philippines - Naglunsad ang Department of Education (DepEd) ng contest para sa lahat ng public elementary schools sa buong bansa para sa paglikha ng higanteng Christmas-inspired décor gamit ang mga recycled toothpaste sachet.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, ang contest ay isa ring paraan upang isulong ang oral health awareness para sa mga public school students, habang itinatatak sa isipan ng mga kabataan ang kahalagahan nang pag-recycle ng mga waste materials para maprotektahan na rin ang kalikasan.
Ang gigantic Christmas décor ay kinakailangang may sukat na halos walong talampakan ang taas, anim na talampakan ang lapad at haba.
Katuwang ng DepEd sa naturang proyekto ang toothpaste manufacturing company na nagsusulong ng oral health sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng araw-araw na pagtu-toothbrush.
May 17 regional winners ang kikilalanin sa Nobyembre 29 at mula sa mga ito ay pipili ng tatlong national winners sa Disyembre 9.
Ang lahat ng interesadong lumahok sa programa ay maaaring tumawag kay Dr. Thelma Aljibe ng DepEd sa 635-9964.
Batay sa pag-aaral, isa ang problema sa oral health sa mga dahilan nang madalas na pag-absent ng mga bata sa paaralan.