MANILA, Philippines - Nanawagan si Vice President at Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ (OFW) Concerns Jejomar C. Binay sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na sundin ang deployment ban na ipinataw ng Philippine Overseas Employment Administration sa 41 bansa.
“Walang saysay,” sabi ni Binay. Idiniin niya na walang mekanismo sa pangangalaga sa dayuhang mga manggagawa ang naturang mga bansa kaya ipinagbabawal na ang pagpapadala roon ng mga overseas Filipino worker.
“Hindi natitiyak ang inyong kapakanan at karapatan sa mga bansang ito kaya kapag nagkaroon ng problema, mahihirapan ang ating gobyerno na makatugon kaagad,” paliwanag ng Bise Presidente na siya ring tagapangulo ng Presidential Task Force Against Illegal Recruitment at chairman emeritus ng Inter-Agency Council Against Trafficking.
Binalaan din niya ang publiko laban sa mga pekeng trabaho sa ibayong-dagat.
“Maging alerto din tayo sa mga nangangako ng trabaho lalo na sa mga bansang nasa listahan ng POEA. Ipagbigay alam agad sa amin para wala nang mabiktima,” sabi pa niya.
May 41 bansa ang inilista ng POEA bilang non-compliant o yaong hindi naggagarantiya sa proteksyon ng mga manggagawang Pilipino alinsunod sa Section 3 ng amended Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.
Itinatadhana sa section 3 na ang isang receiving country ay dapat na merong umiiral na mga batas na nangangalaga sa mga manggagawa kabilang na ang sa mga migrante o dayuhang manggagawa.
Dapat ding lumagda sa isang kasunduan sa pangangalaga sa mga manggagawa ang bansang nais kumuha ng OFW.