MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na umpisahan na at agapan ang mas mura pang presyo para mamili ng mga kagamitan, panregalo at stock na panghanda para sa darating na Pasko.
Pinaalala ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya na malapit nang mag-umpisang magta asan ang mga presyo ng mga bilihin habang lumalapit ang buwan ng Disyembre kaya dapat samantalahin ang mas mura pang mga presyo.
Kabilang sa mga maaaring bilhin ngayon na mas mura pa ang halaga at hindi naman nasisira ay ang mga pasta, fruit cocktail, keso de bola, at iba pang de-lata. Maaari ring bumili na ngayon ng hamon basta titiyakin lamang na malayo pa ang “expiration date” nito.
Pinayuhan naman ng Philippine Association of Supermarkets Inc. (PASI) ang publiko na lokal na mga brand ang bilhin upang mas makamura sa kanilang ipangno-Noche Buena at Medya Noche.
Dapat rin umanong ngayon pa lang ay mamili na ng mga items na panregalo dahil sa inaasahang paglobo ng presyo at sobrang siksikan sa mga pamilihan kapag sa Disyembre pa mamimili.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga employers ng mga ordinaryong empleyado na maagang ilabas ang Christmas bonus ng kanilang mga manggagawa upang maagang makapamili ang mga ito ng mga mas mura pang pagkain at gamit.