MANILA, Philippines - Umabot na sa critical level ang water elevation ng Magat dam sa Ramon, Isabela dahil sa mga pag-ulan sa mga watershed areas sa Nueva Vizcaya at Ifugao kayat naglalabas ito ng sobrang tubig mula sa reservoir.
Ayon kay Engineer Saturnino Tenedor kahapon, kailangan nilang patuloy na mag-release ng tubig mula sa naturang dam upang hindi tumaas pa sa 193 meters ang water level.
Sinabi ni Tenedor na bunsod ng mga pag-uulan na epekto ng amihan at intertropical convergence zone nitong mga nagdaang araw kayat patuloy ang pagtaas ng tubig sa dam at ang sobrang tubig ay pinapakawalan nila.
Nilinaw nito na wala naman aniya siyang nakikitang epekto sa mga residente doon ang ginagawang pagpapalabas ng tubig at nagbigay na sila ng abiso sa mga nakatira doon bago mag-release ng tubig mula sa dam.
Gayunman, hindi nila anya masasabi kung hanggang kailan ang ginagawang pagpapakawala ng tubig.
Kahapon ng umaga, iniulat ng PAGASA na ang water level sa Magat dam ay nasa 193.09 meters na mula sa dating 192.98 nitong Miyerkoles. Ang normal high water level ng dam ay 193 meters.