MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo, ihihirit na ng transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing P10.00 mula sa P8.00 ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Ito ayon kay Efren de Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ay dahil pumalo na sa P45. 05 ang presyo ng diesel kada litro sa ngayon.
Binigyang diin ni de Luna na hindi na makatwiran ang nagaganap na patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo na lalung nagpapatindi ng gastusin ng taumbayan laluna ng mahihirap na mamamayan.
Anya, hindi na sapat ang arawang kita ng mga tsuper ngayon na P250 hanggang P300 mula sa isang araw na pamamasada dahil sa sobrang taas ng presyo ng produktong petrolyo at nadagdagan pa ng tumataas na halaga ng mga pangunahing bilihin.
Una nang umaray ang mga taxi drivers sa lumiliit nilang kita sa ngayon dahil sa mataas na halaga ng gasolina at mataas na boundary na ipinapataw sa kanila ng mga taxi operators bukod pa ang epektong dulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko na isa ring nakakaapekto sa kanilang pagkita sa araw-araw.