Abuso sa 'off-loading policy' aaksyunan - Binay
MANILA, Philippines - Ipapatupad ng pamahalaan ang mas mahigpit na mga sistema para masawata ang mga pang-aabuso sa tinatawag na off-loading policy sa mga international airport.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Vice President Jejomar Binay na nagpatungkol sa inirereklamong kapangyarihan ng mga opisyal ng Bureau of Immigration na magdesisyon kung papayagan o hindi na makasakay ng eroplano papunta sa ibang bansa ang isang Pilipino.
Sinabi ni Binay na, bagaman nakaambag ang offloading policy sa pagbaba ng mga insidente ng human trafficking at illegal recruitment, naging kontrobersyal naman ito dahil sa reklamo ng maraming pasahero hinggil sa abuse of discretion at katiwalian umano ng ilang tauhan ng BI.
Kasalukuyan ding nanunungkulan si Binay bilang chair emeritus ng Inter-Agency Committee Against Trafficking at Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ Concerns.
Sinabi pa ni Binay na kabilang sa mga ipapatupad na sistema ang pagkakabit ng mga Closed Circuit Television (CCTV) cameras para ma-monitor ang lahat ng immigration counter.
Makakasama rin ang mga tauhan ng Philippine Overseas Employment Agency at iba pang ahensiya sa pag-iinterbyu sa mga paalis na pasahero at pagbibigay ng gabay na mga tanong para sa mga tauhan ng Bureau of Immigration.
Hinikayat din ng Bise Presidente ang BI na bilisan ang pagdinig sa mga kasong katiwalian na isinampa laban sa 18 empleyado ng BI na napaulat na humihingi ng pera sa mga umaalis na pasahero kapalit ng clearance sa kanilang pag-alis sa Pilipinas.
“Umaasa ako na mamadaliin ng BI ang mga pagdinig sa mga reklamong ito para maidiin sa ating mga kababayan na hindi pinapahintulutan sa ilalim ng administrasyong Aquino ang katiwalian,” sabi pa ni Binay.
Hinimok din ni Binay ang mga OFW at iba pang pasaherong nabiktima ng tiwaling tauhan ng BI na lumantad at magsampa ng reklamo.
“Umaapela ako sa ating mga kababayan na lumantad at magsampa ng kaso laban sa mga empleyadong ito para mapanagot ang mga ito. Bilang inyong Bise Presidente, tinitiyak ko sa inyo na maaaksyunan ang mga reklamong ito,” pahayag ni Binay.
Ang offloading ay isang patakaran na pumipigil na makaalis sa Pilipinas ang isang Pilipinong hinihinalang biktima ng human trafficking. Dito, sinasala at hinaharang sa airport ang mga hinihinalang tourist worker o iyong gumagamit ng tourist visa o nagpapanggap na turista pero maghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
- Latest
- Trending