MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang aksidente tulad ng pagkalunod sa mga agusan ng tubig o drainage, isinulong sa Kamara ang panukalang itatag ang Drainage Safety Act na naglalayong magkaroon ng iisang sukat na susundin sa paglalagay at pagpapanatili ng drainage system sa bansa.
Sa panukala ni Rep. Ma. Theresa Bonoan-David (4th District, Manila), layunin ng House Bill 5344 na maiiwas ang publiko na maaksidente at mahulog sa mga agusan ng tubig na kadalasang naiiwanang bukas at walang takip.
Nakasaad sa panukala ang paglalagay ng mga babala sa lahat ng mga may drainage system na pinaglalagusan ng tubig lalo na kung malakas ang buhos ng ulan na kadalasan ay hindi napapansin.
Ito ay upang maiiwas ang mamamayan, higit sa lahat ang mga bata na maaksidente sa mga agusang ito.
Sa ilalim din ng panukala, inaatasan din ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagbabantay, pagpapanatili at pagmimintina ng mga drainage sa bansa, na gawing regular ang pagbisita sa lahat ng drainage system ng sa gayon ay mapanatiling ligtas ang mga ito at hindi maging daan upang mapahamak ang mamamayan.
Dapat din siguruhing mayroon sapat na lagusan at maaaring daanan ang bawat drainange system, upang sakaling may aksidenteng maganap ay maaari itong buksan at mapasok upang mailigtas ang naaksidente.