MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army ang sub-provincial jail sa bayan ng Oras, Eastern Samar kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Chief Inspector Apolonio Borata, dakong alas- 8:30 ng umaga nang sumalakay ang mga rebelde na nakasuot ng fatigue uniform ang nasabing piitan na may 1-kilometro ang layo mula sa Poblacion.
Kaagad na dinisarmahan ang mga bantay kung saan aabot sa 59 presong nakakulong ay hindi naman idinamay.
Samantala, bukod sa mga armas ay kinumpiska rin ang laptop at cellphone ng isa sa tatlong guwardiya kung saan tumagal lamang ng 10 hanggang 20-minuto ang nasabing harassment.
Agad namang rumesponde ang tropa ng Philippine Army at elemento ng pulisya subalit hindi na inabutan ang mga rebelde na nagsitakas patungo sa direksyon ng Barangay Kalawit.