MANILA, Philippines - Muli na namang umakyat ng P1 kada litro ang presyo ng diesel sa bansa makaraang magpatupad ng panibagong “oil price adjustment” ang mga kumpanya ng langis umpisa kahapon ng umaga.
Sabay-sabay na nagpatupad ng pagtataas dakong alas-12:01 ng hatinggabi ang Pilipinas Shell, Total Philippines, Chevron Philippines, Petron Corporation, at Seaoil Philippines ng P1 kada litro sa diesel at P.50 sentimos kada litro naman ng kerosene.
Nagbaba naman ng mas maliit naman na P.70 sentimos kada litro ng premium at unleaded na gasolina ang naturang mga kumpanya ng langis at P.90 sentimos kada litro naman ng regular na gasolina.
Ang naturang pagtataas sa diesel ay sa kabila ng bahagyang pagbaba umano ng langis sa internasyunal na merkado dalawang linggo na ang nakalilipas dahil sa inaabangan na paghahayag sa solusyon sa “eurozone debt crisis”, ayon sa Department of Energy.
Wala naman umanong epekto sa presyo ng langis ang pagkamatay ni dating Libyan leader Moamma Gadhafi at dalawa nitong anak. Ngunit inaasahan na sa pagsasaayos ng kundisyon ng gobyerno ng Libya, magiging positibo ang epekto nito sa presyo ng langis dahil sa 1.6 milyong produkto nitong “light sweet crude” kada araw.