MANILA, Philippines - Ito ang ibinabang kautusan kahapon na ipinoste ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) rebels sa kanilang website para sa kanilang mga mandirigma sa Basilan kaugnay ng umano’y planong pag-atake ng tropa ng militar.
Sa assessment ni Abu Majid, MILF Provincial Political Officer na nakabase sa Basilan, sinabi nito na lahat ng indikasyon ay nagsasabing susunod na magsasagawa ng air strike at ground operations ang tropa ng militar sa kanilang kuta sa bayan ng Al Barka kaya naghahanda na sila sa isang malaking sagupaan.
Kamakalawa ay isinunod naman sa air strike at ground operation ng tropa ng AFP ang pinagkukutaan ng grupo ni Doc Abu Pula sa Brgy.Karawan, Indanan , Sulu na ikinasawi ng 3 bandido habang hindi pa madetermina ang mga sugatan.
Noong Oktubre 24 ay naglunsad ng air strike at ground assault operation ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa kuta ni MILF renegade commander Waning Abdusalam sa Sitio Talaib, Brgy. Labatan, Payao, Zamboanga Sibugay na ikinasawi ng 27 bandido habang 60 pa ang sugatan sa mga kalaban.
Sinabi ni Majid na bagaman ayaw idetalye ng tropa ng militar ang kanilang planong pag-atake ay siguradong ang kanila namang kuta sa Brgy. Guinanta at Baguindan, Al Barka ang susunod na salakayin upang mahuli ang kanilang lider na si Dan Laksaw Asnawi.
Kinuwestiyon rin nito ang deployment ng karagdagang tropa ng Army Special Forces, Light Reaction Battalion at Scout Ranger sa lalawigan.
“We will defend ourselves, we already alerted our troops, hindi tayo natatakot,” pahayag naman ni MILF Spokesman Von Al Haq.
“ We ordered our fighters to be on the defensive position…if we are pushed to the wall, we have to fight back, that’s a very clear and practical,” giit pa nito na nanindigang hindi nila isusuko si Asnawi.
Sa panig naman ng AFP, sinabi ni Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na hindi basta na lamang papasok ang tropa ng mga sundalo sa bayan ng Al Barka na walang go signal dahilan narito ang Area of Temporary Stay (ATS) ng MILF rebels kaugnay ng ceasefire mechanism sa isinusulong na peace talks ng gobyerno.