MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na kung gusto talaga ni Pangulong Benigno Aquino III na tulungan ma-develop ang mga Moro leaders ay dapat ipinadala niya ito sa academy at hindi binigyan ng P5 milyon para sa Bangsamoro Leaderships Management Institute.
Sinabi ni Sen. Enrile, sa kanyang karanasan sa ilalim ng Marcos era, binibigyan ng trabaho pero hindi cash ang mga sumusukong rebeldeng Muslim.
“Mabuti pa ipadala ang heneral ng MILF at NPA sa (Philippine National Police Academy) at Philippine Military Academy, wika pa ni Enrile kahapon.
Magugunita na umani ng kritisismo si PNoy dahil sa pagbibigay nito ng P5-M sa MILF na para sa BLMI.
Isinisi pa ni Presidential Peace Adviser Teresita Deles ang ibinigay nilang “tulong” sa MILF sa nakaraang administrasyon dahil tinupad lamang daw ng Aquino government ang pangako ng Arroyo government na nakita naman nilang mahalaga din.
“Ang masasabi ko lang, hindi namin ginawa yan kailanman. Ginawa lang ni Marcos noong nag-surrender ang mga leader ng MNLF, binigyan ng trabaho,” giit pa ni Enrile.
Iginiit naman ng MILF na ‘intact’ pa din ang P5 milyong pondo na ibinigay ng Aquino government para sa BLMI.