Mag-asawang Ligot tugis na ng PNP
MANILA, Philippines - Naglunsad na kahapon ng malawakang manhunt operations ang Philippine National Police laban kay dating AFP Comptroller ret. Lt. Gen. Jacinto Ligot at misis nitong si Erlinda na ipinaaresto ng Court of Tax Appeals sa kasong tax evasion.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bumuo na ang PNP ng tracking team at kasalukuyan ng ginagalugad ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga lugar na posibleng pagtaguan ng mag-asawang Ligot matapos magpalabas ng warrant of arrest ang CTA kamakalawa.
Ang mag-asawa ay nahaharap sa isang count ng paglabag sa Article 255 ng National Internal Revenue Code (NIRC) bunga ng kabiguang magsumite ng tamang tax return noong 2001 at tatlong counts ng paglabag sa Article 254 sa hindi pagbabayad ng tax mula 2002 hanggang 2004.
Sa resolusyon ng 2nd Division ng CTA, may ‘probable cause’ o basehan para litisin ang mag-asawang Ligot dahil sa kabiguang ideklara ang kanilang kinita noong 2003 at sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
- Latest
- Trending