La Niña binabantayan
MANILA, Philippines - Binabantayang ngayon ng PAGASA ang unti-unting pagbuo ng La Niña.
Ayon kay Dr. Nathaniel Servando, administrator ng kagawaran, base sa kanilang obserbasyon sa sea surface temperature sa central eastern equatorial Pacific Ocean, unti-unti nang lumalamig ang panahon simula noong buwan ng Agosto.
Indikasyon anya ito na malakas ang posibilidad na muling makakaranas ng La Niña ang bansa.
Pero ayon kay Servando, wala namang dapat na ikabahala ang publiko dahil base sa dynamical at statistical computer models, ang paglamig ng Pacific Ocean ay nagbibigay ng indikasyon na mahinang uri lamang ng La Niña ang mararanasan sa mga susunod na araw.
Dahil aniya sa namumuong La Niña, asahan na ang pagkakaroon ng pagbabago ng panahon sa huling quarter ng taong kasalukuyan hanggang sa unang quarter ng 2012.
Samantala, makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, dahil sa inaasahang pagpasok ng isang low pressure area sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ang Metro Manila naman ay magiging mainit ang lagay ng panahon sa umaga ng November 1 habang pagsapit ng hapon ay magiging maulan ito.
- Latest
- Trending