Deles mananagot sa P5M na ibinigay sa MILF
MANILA, Philippines - Mananagot si Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Teresita Deles kung hindi nito maipapaliwanag kung saan kinuha ang P5 milyon na ibinigay ng kaniyang tanggapan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, hindi nakapaloob sa 2011 national budget ang P5 milyon na ginastos ng OPAPP.
“Wala ni isa sa budget ng 2011 nakalagay na pwedeng gumastos ng ganyang pera ang OPAPP. By the name itself OPAPP is presidential adviser, hindi naman implementing agency ang OPAPP na parang DSWD na pwedeng magbigay ng pera sa foundation,” sabi ni Escudero.
Kung hindi umano maipapaliwanag ni Deles kung saan nanggaling ang nasabing P5 milyon ay maaari itong kasuhan ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.
Sinabi ni Escudero na labas sa mandato ng tanggapan ni Deles ang pamimigay ng pera bukod pa sa hindi malinaw kung saang pondo ng gobyerno kinuha ang P5 milyon.
Hindi rin umano tamang sabihin na ang dating administrasyon ang nag-apruba ng nasabing pondo dahil marami sa mga programa ng nakaraang administrasyon ay hindi na itinuloy maliban na lamang sa conditional cash transfer o CCT ng DSWD.
“Halos lahat ng ginawa ng nakaraang past administrasyon maliban sa CCT, binaligtad nila at hindi nila sinunod,” sabi ni Escudero.
Hinala ni Escudero dahil si Deles ang dating head ng OPAPP noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ito ang nangako ng P5 milyon sa MILF na ngayon namang administrasyon ni Pangulong Aquino ibinigay.
Nagbanta pa si Escu dero na igigisa ng husto si Deles sa Senado kapag isinalang na sa budget deliberations ang pondo ng OPAPP.
- Latest
- Trending