CASTILLEJOS, Zambales, Philippines – Isang grupo ng negosyanteng Koreano ang bumisita sa lalawigan ng Zambales upang magbigay tulong sa mahihirap na komunidad bilang pasasalamat kay dating Pangulong Ramon Magsaysay.
Ayon kay Charles Park, miyembro ng New Village Movement of South Korea, ang mga opisyales at negosyante sa probinsya ng Gyeongsangbuk-do, South Korea ay nasa bansa upang magbigay tulong sa mahihirap na komunidad.
“Pero pinili naming ang Zambales dahil dito nagmula si dating Presidente Magsaysay na nananatiling mahal ng mga Koreano,” pahayag ni Park sa wikang English.
Ayon naman kay Park Mong Yong, pangulo ng New Village Movement sa Gyeongsangbuk-do, si Magsaysay ay naging Defense Secretary nang magpadala ang Pilipinas ng mga sundalo sa South Korea noong Korean War.
Dahil sa tulong ng mga sundalong Pinoy ay naging malaya ang bansang South Korea at umunlad.
Dahil dito, nais ng grupo na ibahagi ang “spirit of the New Village Movement to the Philippines.”
Sinabi naman ni Manny Reyes, na nag-organisa ng pagbisita ng mga Koreano, na kabilang sa mga proyekto ng grupo ay ang pagpapatayo ng multipurpose hall, public market, at silid-aralan para sa Aetas at inaasahang matatapos sa Marso 2012.