MANILA, Philippines - Pinatindi pa ng Bureau of Customs (BOC)–District Intelligence and Investigation Service, Manila International Container Port (CIIS-MICP) ang kanilang operasyon laban sa kargamento ng isang bigtime “player” (broker/importer) na nakatago sa isang bonded warehouse sa Valenzuela City.
Nabatid na dalawang linggo nang binabantayan ang nasabing bigtime “player” ng MICP agents na armado ng mission order at hinihintay na lamang ang Letter of Authority (LOA) mula sa opisina ni Customs Commissioner Ruffy Biazon para tuluyang mapasok ang bodega.
Gayunman, nababahala ang mga BOC employees na kontra sa korapsyon dahil baka mapunta sa wala ang operasyon dahil na rin umano sa “pakikialam” ng isang alyas “Rolly Sagrado” na nagpapakilalang “galamay” umano siya sa opisina nina Biazon at Customs Intelligence Group chief, Gen. Danny Lim.
Ayon sa grupo, hindi magawang pasukin ng MICP agents ang bodega matapos na “ipitin” at “itago” ni alyas Sagrado ang LOA na inaprubahan ni Biazon. Ang bodega ay puno ng raisins na nagkakahalaga ng P100 milyon.