MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang barker nang tagain sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Halos mabiyak ang bungo ng biktimang nakilalang si Francisco Daya Jr., 33, ng P. Villanueva St., ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay City Police, nagtatawag ng pasahero sa isang illegal terminal ng jeep sa kanto ng EDSA at Park Avenue si Daya dakong alas-2 ng hapon nang lapitan ng isang lalaki at biglang tagain sa ulo.
Nahihirapan naman ang pulisya na makilala ang salarin dahil sa wala silang makuhang saksi na nais tumestigo sa takot na madamay sila sa krimen.
May hinala naman ang pulisya na posibleng may kinalaman sa trabaho bilang barker ang biktima dahil may ilang grupo umano na humahawak sa mga illegal terminal ng pampublikong sasakyan sa Pasay City na humihingi ng tong o lagay.