MANILA, Philippines - Muling nadakma ng mga awtoridad ang isang Indonesian-American na umeskapo sa kulungan sa pamamagitan diumano ng paglagare sa kaniyang selda, habang kasalukuyan pang iniimbestigahan ang insidente kung may kasabwat ito sa pagtakas sa Davao City noong Oktubre 17.
Ayon kay Immigration Commissioner Ricardo David Jr., nakapiit na muli sa immigration jail sa Davao City ang pumugang si Tigor Hasongan Siapanar, na muling naaaresto ng BI agents at Davao City Police noong Oktubre 20, tatlong araw matapos itong makatakas.
Natunton siya ng mga operatiba sa kaniyang safehouse sa Madagascar Street, St. Vincent Heights, Mamay Road, Davao City.
Una rito, sinibak ni David sa pwesto si Maria Kiamco, BI-Davao alien control officer, matapos ang pagtakas ni Siapanar.
Noong Enero 11, 2011 nai-turn over sa BI-Davao si Siapanar ng maaresto ng pulisya sa illegal gun possession, bago sinampahan naman ng deportation case nang madiskubre na undocumented at overstaying na. Hindi na siya nag-aplay ng extension simula nang dumating sa Pilipinas noong Hulyo 16, 2007.