MANILA, Philippines - Personal na nagpa-abot ng pakikiramay si Pangulong Aquino sa pamilya ng mga napatay na sundalo sa Basilan kamakalawa ng gabi sa Libingan ng mga Bayani.
Kinausap isa-isa ng Pangulo ang pamilya ng mga biktima at nangako itong mananagot ang may kagagawan sa madugong engkuwentro kung saan nakasagupa ng mga sundalo ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nagbabala rin ang Pangulo sa mga makikihalo sa kaguluhan dahil hindi umano ang mga ito sasantuhin ng gobyerno.
“Ginagarantiya ko po na lahat na tutugisin ng estado makukuha natin. Doon sa gustong makihalo dito sa kaguluhan na ito, hindi namin kayo sasantuhin maski sino pa kayo,” pahayag ng Pangulo.
Damay din umano ang mga nagbabalak na tumulong o magkanlong sa mga pumaslang sa mga sundalo.
Nauna rito, iginiit ng ilang senador na dapat ibasura na ng gobyerno ang usapang pangkapayapaan dahil ginagawa lamang kanlungan ng mga MILF ang kanilang lugar na hindi basta-basta maaaring pasukin ng militar dahil sa tinatawag na “area of temporary stay”.