Army spokesman sinibak ni PNoy
MANILA, Philippines - Matapos ang buong tapang na pahayag na maglunsad ng all-out war sa mga piling target na pinagkukutaan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sinibak ng nairitang si Pangulong Aquino ang Spokesman ng Philippine Army.
Ayon sa sources sa AFP official, nitong Biyernes ng hapon ay sinabon ni PNoy si Army Spokesman Col. Antonio Parlade Jr. matapos itong makita sa AFP Headquarters kaugnay ng idinaos na ilang oras na command conference.
“ Mag-schooling ka na lang, you’re fired,”galit na tinuran ng nakasimangot na si PNoy kay Parlade sa harapan ng mga heneral ng AFP.
“No regrets, I’m happy knowing our soldiers voice and sentiments were heard. We are not politicians, we are professional soldiers,” pinong tugon ni Parlade ng matanong sa pagkakasibak sa kaniya sa puwesto.
Ipinarating rin umano ni PNoy na dismayado siya sa performance ng AFP laban sa mga rebeldeng MILF at iginiit na hindi niya iniuutos ang giyera dahil kailangang maisalba ang peace talks.
Sa isang pahayag, walang takot na sinabi ni Parlade na dapat suspendihin ng gobyerno ang ceasefire sa hanay ng MILF at maglunsad ng all out war sa mga piling target dahil traydor ang nasabing grupo matapos tambangan ang tropa ng 13th at 19th Special Forces Company ng Army noong Oktubre 18.
Napaslang ang 19 sundalo at 14 ang nasugatan. Nasundan pa ito ng magkakasunod na pananambang sa bayan ng Alicia at Kabansalan, Zamboanga Sibugay nitong Huwebes ng gabi na ikinasawi naman ng limang sundalo at tatlong pulis.
Kinumpirma naman ni Army Chief Lt. Gen. Arturo Ortiz ang pagtatanggal sa puwesto sa palaban nitong spokesman kung saan pansamantala itong pinalitan ng Deputy nitong si Major Harold Cabunoc.
Sinibak na rin ni Ortiz si Col. Alexander Macario, commander ng Special Operations Task Force Basilan at pansamantalang ipinalit rito si Col. Ramon Yogyog.
Ang pagsibak kay Macario ay matapos lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na pumalpak ang istratehiya nito sa nasabing operasyon na ikinasawi ng 19 sundalo.
Nauna nang sinibak sa puwesto si Col. Leo Peña, commander ng 4th Special Forces Company sa Basilan.
Samantala, patuloy namang sumisigaw ng hustisya ang mga pamilya ng mga nasawing sundalo.
- Latest
- Trending