Anti-perjury laws mahina
MANILA, Philippines - Mistulang binabalewala na lamang umano ng mga iniimbestigahan sa Senado ang pagsisinungaling dahil hindi naman sila napaparusahan sanhi ng mahinang anti-perjury laws sa bansa.
Ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, mistulang hindi na nagiging epektibo ang mga congressional inquiries dahil ang mga nagkakasala ng perjury ay hindi naman napaparusahan.
Naniniwala si Cayetano na dapat masampolan na ang mga humaharap sa mga imbestigasyon at sumusumpang hindi sila magsisinungaling pero iba naman ang ginagawa.
Inihalimbawa ni Cayetano ang nangyari kay Judge Nagamura Moner kung saan binaliktad nito ang kaniyang testimoniya noong 2005 kung saan una niyang sinabi na walang nangyaring dayaan noong 2004 presidential elections.
Matatandaan sa isinagawang imbestigasyon kamakalawa ng Senate Blue Ribbon Committee ay naging testigo na si Moner sa dayaang nangyari noong 2004 kung saan inamin nito na isa siya sa mga operator at nanuhol ng mga election officers.
Ipinunto ni Cayetano na maliwanag na lumabag sa perjury law si Moner matapos baliktarin ang kaniyang mga testimoniya.
“Dahil sabi nga nila sa Pilipinas, walang nakukulong sa perjury,” pahayag ni Cayetano.
- Latest
- Trending