MANILA, Philippines - Gagawaran ng hero’s welcome ang 11 sa 19 sundalong napaslang sa bakbakan sa Al Barka, Basilan noong Martes kaugnay ng nakatakdang pagdadala sa bangkay ng mga ito sa himpilan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio ngayon o sa susunod na mga araw.
Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., inaayos na ang mga labi ng 11 sa 19 nasawing mga sundalo habang inihahanda na rin ng Philippine Army ang paglalagakan sa labi ng mga ito.
Sinabi naman ng mga opisyal ng Philippine Army na bahagi ng kanilang Standard Operating Procedure (SOP) na gawaran ng hero’s welcome ang mga bayaning sundalong nagbuwis ng buhay para sa bayan.
Nabatid na 11 lamang sa mga bangkay ang dadalhin sa Army Headquarters na mga residente sa Luzon habang ang iba naman ay taga Mindanao at Visayas.
Kabilang sa mga nasawi sina 1st Lt. Colt Alsiyao, 1st Lt. Frank Junder Caminos, 1st Lt. Vladimir Maninang ng Philippine Military Academy (PMA) Class 2007; 2nd Lt. Jose Delfine Khe, Sgt. Ronald Sta. Rita, Sgt. Bonifacio Mabalot, Cpl. Roderick Cabanua, Pfc. Mark Ted Quiban, Pfc. Reny Arciaga, Pfc. Romel Ondovilla, Pfc. Roberto Recafranka, Pfc. Jones Regor, Pfc. Jobert Miguel, Pfc. Jordan Olivar, Pfc. Emerson Tugas, Pfc Ervin Dequito, Pfc Jordan Magno, Pfc. Dennis Bolan at Pvt. Garry Colonia.