MANILA, Philippines - Nagbabala ang isang kongresista sa posibleng pagkakaroon ng karahasan sa Mindanao matapos ang desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa pagpapaliban ng eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at pagtatalaga ng Pangulo ng Officer-in-Charge (OIC) doon.
Paliwanag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, baka hindi matanggap ng mga taga-ARMM ang sinumang maitatalaga ng pangulo na gobernador at iba pang opisyal ng ARMM. Bukod dito, masisira rin umano ang otonomiya dahil ito ay papasailalim na rin sa kontrol ng Palasyo.
Nais din ng Kongresista na huwag munang magtalaga ng OIC sa ARMM kahit pa kinatigan ng Korte Suprema ang pinagtibay na batas para rito.
Masyado anyang dikit ang 8-7 na boto sa legalidad ng Republic Act 10153 at malaki ang posibilidad na mabaliktad pa ito sa oras na maghain ng motion for reconsideration. Dahil dito kayat imumungkahi umano ng kongresista na ituloy na lamang ang eleksyon sa ARMM dahil nakahanda naman ang Comelec kahit sa mano-manong proseso nito.
Samantala, naniniwala naman si House Speaker Feliciano Belmonte na magagawa na ng Pangulo ang mga reporma sa ARMM dahil sa desisyon ng Korte kahit pa magtalaga ito ng OIC.
Ani Belmonte, kahit na may OIC na sa ARMM ay maari pa rin namang maghain ng motion for reconsideration si House Minority leader Edcel Lagman na siyang petitioner sa kaso.