TRO vs rally ng PALEA
MANILA, Philippines - Hinarang ng Pasay City Regional Trial Court ang pagsasagawa ng anumang uri ng kilos protesta ng mga dating empleyado ng Philippine Airlines sa labas ng paliparan makaraang magpalabas kahapon ng “temporary restraining order”.
Inilabas ni Pasay RTC Executive Judge Edwin Ramizo ang 72 oras na TRO na pumipigil sa mga opisyales at miyembro ng PAL Employees Association (PALEA) na magsagawa ng kilos-protesta sa labas ng In-flight Center (IFC) sa kahabaan ng MIA Road naturang lungsod.
Sa desisyon ni Ramizo, pinipigilan ng PALEA ang PAL sa karapatan nito na magsagawa ng operasyon sa IFC sa pagsasagawa ng mga demonstrasyon kontra sa ipinaiiral na “contractualization program” ng PAL.
Tinuligsa naman ni PALEA President Gerry Rivera ang inilabas na TRO at sinabing nailihis ng PAL ang korte para ipalabas ito. Iginiit nito na naglagay sila ng “protest camp” sa IFC dahil sa umiiral na labor dispute na umano’y legal sa batas base sa Labor Code.
Sinabi ni Rivera na tuloy umano sila na magsasagawa ng kilos-protesta at “camp-out” sa labas ng IFC na itutulad umano nila sa “Occupy Wall Street protest” sa New York. Hindi umano nila isusuko ang lugar ng kanilang protesta sa kabila ng mga banta at demolisyon.
- Latest
- Trending